Thursday, September 13, 2012

Dahil hindi ito nagtatapos sa paalam


Siguro kung may formula sa pakikipag-break, andami na sa atin natuwa ano? Di hamak na dadali ang buhay, at siguro, kahit papano, mababawasan ang mga suicidal na nagtatangkang tumalon o maglaslas kung maayos lang ang pakikipaghiwalay sa isa't isa. Aba, siguro kung may manual ng breaking up, nabawasan na ang drama at kwentong kahangalan na kakabit ng pakikipaghiwalay. Pero ang galing ano, sa dami ng mag-jowang nagkalat diyan, halos ganon din karami ang storya ng pakikipag-break at paghihiwalay. Samu't saring paraan, lalong mas maraming kwento ng kung papano hinarap, tiniis, dinamdam, at nilampasan.

Akala ko nung nabasa ko ang private message mo sa Facebook nung nakaraang taon, nagkatotoo ang kinanta ni Kat Agarrado dito na tumigil ang mundo. Nabasag ang katinuan. Sa dami ng pinagdadaanan nang mga panahong iyon, ikaw, dumagdag pa. Kung baga, ikaw na ang trigger na nagpatuluyan. 

Aligaga, balisa, hindi mapakali, nagdrama, umiyak, nag-inarte, naglasing, nagwala, nakipag-away, naghanap ng away, hindi umalis ng kwarto at halos hindi bumangon, nagalit sa universe, nagsumamo sa Diyos at sa lahat ng pwede pakiusapan, nakipagsuntukan sa pader (at sa kung kanino pang sira ulong gustong pumatol), umatake ang insomnia at hindi natulog ng pagkatagal-tagal, nagsulat, kumanta, umiyak pa ulit (at paulit-ulit pa), naghanap ng dahilan, binasura ang mga dahilang naisip, binalik-balikan ang mga alaala, pinakinggan ang mga banda at kantang paborito natin, pinaulit-ulit ang mga huling sandali hanggang sa halos masiraan ng bait, halos basagin ang lahat ng bagay na nagpapaalala sa akin sa 'yo, kulang na lang ay magpadala ng bulaklak ng patay sa 'yo para matapos na ang kabaliwan.

Akala ko, iyon na ang puno't dulo ng lahat. Seryoso, akala ko natapos na ang buhay nung nawala ka. Akala ko, hindi ko kaya bumangon at harapin ang bukas. Pero eto, pagkalipas ng isang taon, buhay na buhay pa ako, at namamayagpag. 

Ang dami kong galit sa 'yo nung una. Yung mga pagdadramang, "Para saan pa ang mga pangako?" at lahat ng kakambal ng ganyang sentimyento, nabanggit ko na yata. Nung una, hindi ako halos makabangon (literal) sa pagkakahiga ko. Mabuti na lang at napakabait ng Diyos, nagbigay Siya ng mga taong naniguradong hindi ko sinira ng tuluyan ang sarili ko nung mga oras na yon.

Para akong baliw na hindi mapakali sa iisang pakiramdam. Pasalit-salit sa galit, tapos mapapatawad, tapos magsesentimyento at iiyak, tapos ayan, magagalit na naman. Nakakapagod, tinalo ko pa ang artistang nag-iinternalize para sa isang bonggang role na gagampanan. Mabuti sana kung mananalo ako ng award sa pag-emote ko, eh wala namang ganun!

Lumipas na ang one-year deadline mo. Kahit papano ay tama pa rin ang pagkakakilala ko sa 'yo. Tinotoo mo naman ang sinabi mo na isang taon. Akala ko nga lang, pagkatapos ng isang taon ay masasagot na ang mga katanungan ko. Hindi naman kasi ibig sabihin na kapag humingi ng paliwanag ay pinipilit kang magbago ang desisyon mo, o kaya binabalikan ka. Hindi ganun. Ibig sabihin lang, may mga bagay na, sa kamalas-malasan nga lang ng tadhana, eh ikaw lang ang makakasagot, kahit ayaw mo na sana.

Akala ko nga lang din, may halaga sa 'yo na minsan ay naging matalik tayong magkaibigan. Akala ko ay kahit para doon na lang, magagawa mong magbigay ng disenteng pakiusap man lang. Hindi pala lahat ng bagay ay nadadaan sa ganun, ano?

Huwag ka mag-alala. Napatawad na kita. Taos sa puso ko iyon, at wala nang kahit anong bahid ng galit o sama ng loob. Okay na, magpaliwanag ka man o hindi, dahil napagtanto kong hindi ko na kailangan pa marinig. 

Pinagdadasal kong mahanap mo ang kapayapaan na matagal mo nang inaasam. Kung balang araw man ay magkita tayo ulit, alam mong wala na akong sama ng loob sa 'yo. 




No comments:

Post a Comment